Linggo, Hunyo 17, 2012


Tinik sa Tagumpay


Pakikibaka. Pakikipagsapalaran. Pangarap.

Mga salitang patuloy na nagbibigay inspirasyon at pag-asa sa mga taong dumaraan sa butas ng karayom makamit lamang ang naisin ng puso.

Pantay na nga ang paningin at kakayahan ng mga lalaki at babae. Hindi na pahuhuli ang mga babae sa larangan ng teknolohiya na tanging lalaki lamang ang may karapatan noong Dekada Sitenta. Kayang-kaya nang pantayan ng mga Gabriella ang anumang gawaing iniatas sa kanya. Mapamanu-mano man o gawaing pangpropesyonal.

Bilog nga ang mundo. Dati, gustong pasukin ng mga Gabriella ang mundong ginagalawan ng mga kalalakihan na nagtagumpay naman sa huli. Kabaligtaran naman ang pangyayari ngayon. Lalaki naman ang gustong pumantay sa mundo ng mga kababaihan.

Tunay na mahirap makipagsaparalan sa mundong punung-puno ng mapanuring mga mata na tila ba inilagay ka sa isang microscope na kailangang kilatising mabuti upang mapabilang ka sa mundong kanyang ginagalawan. Andiyan pa rin ang panunuligsa ng mga taong tila ba napakalinis ng konsensya at walang bahid ng anumang kasalanan. Kung mahina lamang ang loob ay sadyang hindi makakatingin ng tuwid sa mga makakasalubong.  Mahirap ang ngumiti at lumantad  lalo na kung naiiba ang katauhan at matatawag pang hindi ito normal.

          Ilan lamang ito sa mga katangiang gustong makamit at mapantayan ang mga kababaihan.

·         Kumilos babae at magdamit babae.
·         Gampanan ang pagiging ate, tita, o ninang kaya.
·         Pagpapapalit ng kasarian na tanging Maylikha lamang ang nagkaloob sa bawat nilalang.
·         Uminom ng mga gamot na makakatulong upang magkaroon ng mayayamang dibdib at mawala ang tila batong nakaharang sa lalamunan.


         Maraming sagabal sa gustong maabot ng isang tulad ni Jenna Talackova na lumahok sa paligsahan ng kagandahan. Ito ay ang sikat na Miss Universe na sinasalihan ng mga kababaihan kung saan sinusukat ang kagandahan at ang katalinuhan ng isang kalahok. Dito ay ipinapakilala mo rin ang bansang iyong pinagmulan.

Kilala ang paligsahan ng Miss Universe sa buong bansa na talaga namang inaabangan at pinapanood ng mga bansang kanilang kinakatawan. Kabilang na rito si Jenna ng Miss Universe Canada. Mainit na isyu ang paglahok niya sa paligsahan dahil hindi siya tunay na babae. Sadyang hindi maikakaila sa kanyang panlabas na anyo na siya ay isang babae subalit napag-alaman na siya at isang lalaki ng ipanganak.
Paano niya sasagutin ang katanungang “What is the essence of being a woman?” kung siya ay walang kakayahang magdala ng isang sanggol sa sinapupunan. Tanging tunay na babae lamang ang mayroong bahay-bata kung saan siyam na buwan siyang maninirahan dito.

Hindi lamang panlabas na anyo ang basihan sa paligsahan ng kagandahan dahil kumakatawan din ito sa tunay na katauhan ng isang kandidato. Kinakailangang “naturally born female” ang isang kalahok at hindi kabilang dito ang transgender o nagpapalit lamang ng katauhan at kasarian.
Mahirap makipagsabayan sa mga tunay na babae dahil tanging sila lamang ang binigyan ng Diyos na magdala ng buhay sa sinapupunan. Maaari magaya ang kanilang panlabas na anyo ngunit hindi ang tunay na esensya nito. 
Nagkakaroon naman ng mga Miss Universe Gay Contest sa ibat’t ibang panig ng mundo at binibigyang-laya naman ang pagsasagawa nito. Dito ay walang babatikos lalo na kung makikitang isa kang responsableng mamamayan na may dignidad. Tanggap na sa mundo ang homosexual at bukas din ang isip ng mga tao sa mga transgender ngunit sadyang marami pang pagsubok ang kakaharapin kung samahan ng kababaihan ang papasukin.

Tinik na maituturing ang mga hadlang, balakid, at pagsubok sa mga gustong makamit ng isang transgender sa mundo ng Miss Universe Competition. Laging andiyan ang Diyos upang ikaw ay gabayan at subaybayan sa iyong mga problema. “Hindi kita iiwan ni pababayaan man” ang winika ng Diyos sa kanyang banal na kasulatan dahil mahal niya ang lahat niyang nilikha.

Pakatandaan lamang, nakakamit ang tagumpay kung wala kang naaapakang karapatan ng bawat nilalang.


Mga Sanggunian:


http://www.bible.is/TGLMBB/Heb/13


    NoR
*061712*